Para sa Skyway, kapwa kong drayber, sa mga traffic enforcers, at ang tangang driver ng Montero

.
July 25, 2015

Isa na namang sasakyan ang lumipad mula sa Skyway, sa pagitan ng Sucat at Bicutan. Nagulantang ang buong Internet. Mabilis na bumanat ang mga miron at sinisi ang inyong mga barriers, ang tangang driver ng Montero, ang bangketa sa gilid ng barriers at pababang direksyon ng inyong kalsada, ang kalikasan, at ang matinding hangin sa bahaging iyon ng Skyway. Pero kung tutuusin, tama naman silang lahat. Tumama rin sa wakas. Rock and roll to the world!

Pero bago tayo magdiwang at mag-apiran, bakit hindi muna natin himayin ang pangyayari para makaisip tayo ng paraan kung papaano hindi na ito maulit pa? Ikaapat na beses na ito -- wala pa diyan ang Strada na nagmistulang see-saw sa barrier ng Skyway noong nakaraang linggo.

11137109_854247637996516_914280679578903347_n

10404083_854284017992878_8282956810166757804_n

Isa-isahin natin. Una, ang tangang driver ng Montero. Pasensya na sa lengwahe ko. Bihira akong mang-insulto at mamersonal ng tao. pero matapos ko marinig ang mga kuwento ng dalawang kaibigan na nakasaksi sa pangyayari, ikaw na, sir, ang siguro'y pinaka sa lahat ng tanga sa mundo. Dapat kang parusahan sa iyong katangahan. Parang gusto kitang buhusan ng pancake syrup at ipakagat sa langgam habang tinutugtugan ng theme song ng Wowowee.

Sa kuwento ng dalawang kong kaibigan, hindi raw bababa sa 160 kph ang takbo mo. Halos doble sa itinakdang speed limit sa Skyway.  Isang kaibigan ko ang nagsabi na galing ka raw sa gitnang linya, mabilis na nag-swerve sa kanan para maka-overtake. Mula sa kanan (maling linya para umovertake), kinain mo ang dalawang linya sa kaliwa para lampasan ang dalawang iba pang kotse. Muntik mo na raw mabunggo ang isa ko pang kaibigan bago ka tuluyang nawalan ng kontrol sa SUV mo.

Sabi ng dalawang saksi ko, parang buntot ng isda ang SUV mo na patagilid na humampas sa barrier ng Skyway hanggang malaglag ito sa isang konkretong pader sa ibaba, na siguro'y alam mo na ngayon. Sa madaling salita, mistulang nag-slalom ka sa isang pampublikong kalsada at ginamit ang ibang mga sasakyan bilang cones. Tanga ka talaga.

Screen Shot 2015-07-20 at 11.00.17

Malinaw na ang unang naging problema sa kasong ito ay ang matulin at barumbadong pagmamaneho ng isang tangang driver na parang maliit na bata kung mag-isip. Kung medyo malakas ang dating ko, dapat sigurong basahin ninyo ang unang bersyon ng column na ito. Mapapahiya si Gordon Ramsey sa kasungitan ko. Para sa lahat, uulitin ko ang pagkatagal-tagal ko nang sinasabi sa column na ito: Huwag na huwag n'yong gagawing karerahan ang ating lansangan. Pakiusap: Pakidagdagan ang mga patrol na nanghuhuli sa mga ayaw sumunod.

Ikalawang punto, kailangan nating pag-usapan ang isyu ng mga walang pakialam at walang alam na drivers na bumababad sa overtaking lane. Hindi ko alam kung ilang beses ko na sinabi ito, pero kung binabasa mo ito sa Internet, isang mahalagang punto na ito na dapat mong i-share sa Facebook wall mo, dahil ito ay puwedeng magligtas sa iyo at sa mga minamahal mo sa buhay. Kung hindi ka naman o-overtake, o kaya ay tapos ka na umovertake, UMALIS KA NA SA KALIWANG LINYA. Tandaan mo yan.

Madalas ko madinig ang katwiran na, "Eh pasok pa naman ako sa speed limit ah, o kung sobra man ako nang konti, bakit ako aalis sa left lane?" Bakit? Dahil nakalagay iyon sa batas. At may importanteng dahilan kung bakit iyon inilagay sa batas. Wala akong pakialam kung gaano kabilis ang sasakyan na nasa likod mo. Kung inilawan ka niya, tabi na. Tapos ang usapan. Hindi mo trabaho na magsilbing human speed limiter. Umalis ka na sa overtaking lane. Dahil kung hindi, ang driver ng kotseng gustong umovertake sa iyo ay lalo lang manggigigil (hindi mo alam baka meron siyang kailangang isugod sa ospital) at magmimistulang slalom course ang kalsada dahil parang ahas na lulusutan ka ng kotseng ito. At hindi mo alam baka magaya lang ito sa tangang driver ng Montero.

Yan ay payong kapatid mula sa isang driver na nasubukan nang magmaneho ng ambulansya sa isang totoong emergency. Sa mga ganitong sitwasyon, kailangan diretso lang ang takbo, hindi paliku-liko. Iwasan mong barahan ang kaliwang linya ng kalsada. Kung nakaharang ka dito, para kang nakaharang sa driveway ng kapitbahay mo. Sigurado ako na ayaw mong ginagawa ito sa iyo. Pakiusap. Iwasan. Ang. Left. Lane. Kung. Hindi. Naman. Oovertake.

Linawin lang natin. Delikado ang sobra ang tulin. Pero delikado rin ang sobrang bagal. May mga nagsasabi na dapat daw ibaba ang speed limit ng SUVs sa 80, at hindi ako sang-ayon dito. Trailblazer ang sasakyan ko at may Rhino rack pa sa itaas. Mas mataas ito nang di hamak sa Montero pero wala akong naging problema kahit kailan sa hangin sa Skyway. Oo, kahit pa tumatakbo ako ng 100 kph. Kung umuulan, nagmemenor ako sa 80. Desisyon ko yun. Katwiran ko, di bale nang mahuli nang dating, huwag lang mahulog sa bangin.

Mas tumaas ang aking sasakyan kumpara sa Montero dahil sa Rhino Rack. Kahit meron nito ang aking Trailblazer, hindi ko pa rin nararamdaman ang malakas na hangin sa takbo na 100 km/h. Mas tumaas ang aking sasakyan kumpara sa Montero dahil sa Rhino Rack. Kahit meron nito ang aking Trailblazer, hindi ko pa rin nararamdaman ang malakas na hangin sa takbo na 100 km/h.

Huling hirit, mga katropa sa Skyway, alam kong kaibigan ko kayo at sinabi na ninyo sa akin nang maraming beses na ang Skyway ay sumusunod sa International Standards. Pero hindi. Pasensya na uli, pero kailangan kong sabihin ito. Meron nang dalawang SUVs, isang armored car, isang bus ng Don Mariano, at kalahating Strada na siyang ebidensya kontra sa sinasabi ng inyong contractor.

Gusto n'yo pang marinig ang iba pang problema? Sinasabi ng Citizens Infrastructure Integrity Watchdog (Infrawatch) na kailangan alisin ang kapirasong bangketa sa ibaba ng barrier ng Skyway dahil umaaktong hagdanan ito ng mga sasakyan para lumipad. Hindi ako engineer o eksperto sa crash safety, pero pupusta ako na kung wala ang makitid na bangketang ito, malamang na hindi nahulog sa Skyway ang mga sasakyang binanggit ko.

Oo, malinaw na kasalanan ng tangang driver ng Montero ang huling kaso ng pagkahulog sa Skyway. Pero isipin n'yo, puwede tayong umangal at mangampanya para pabagalin ang lahat ng tangang drivers sa bansang ito. O puwede rin tayong mag-mature at harapin ang katotohanan na wala tayong magagawa sa mga taong ito, na tao lang sila na puwedeng magkamali.

Puwede tayong magsisigaw hanggang himatayin tayo sa galit. Puwede nating sabihan ang lahat na magmaneho na parang pagong. Pero anong magagawa natin? Subukan nga natin na pigilan ang bagyo? Mangyayari at mangyayari uli ang mga ito. At dapat tayong maghanda.

Bilang pagtatapos, alam ko na ginagawa ninyo ang lahat para maging maayos at ligtas ang Skyway. Alam ko rin na hindi n'yo puwedeng idisenyo ang inyong barriers para lamang dun sa mga kaskaserong drivers. Hindi ko rin naman puwedeng lagyan ang bahay ko ng kandado at sabitan iyon ng karatula na, bawal ang magnanakaw dito. Ito ang totoo: May mga masasamang tao sa mundong ito, at kahit sabihin pa natin na nagdarasal tayo na wala sanang masamang bagay na mangyari sa atin, kailangan tayong maghanda pa rin sakaling mangyari nga ang mga bagay na kinatatakutan natin -- gaya ng pagsulpot ng tangang driver ng Montero.

Ayusin na natin ang Skyway bago pa uli sumulpot ang isa na namang kagaya nito.

Ito ang pinagkaiba ng NLEX (taas na imahe) at Skyway (ilalim na imahe). Pansinin ang sidewalk ng Skyway. Ito ang pinagkaiba ng NLEX (taas na imahe) at Skyway (ilalim na imahe).
Pansinin ang sidewalk ng Skyway.

Translated by: Mr. Junep Ocampo

About the Author

James Deakin
James Deakin is a multi-awarded automotive journalist located in Manila, Philippines. He has a weekly column in the Philippine STAR's motoring section, is a motoring corespondent for CNN Philippines and is the host of the Philippine motoring television show Drive, which airs every Sunday night at 10pm on CNN Philippines.